Maagang nagising si Felicity. Pagkabangon pa lang, agad niyang hinahanap si Aling Susan.
"Kahapon, binuhat ka pabalik ni Sir Hendrix," paliwanag ng matanda. "Sandali kang nawalan ng malay, pero ayon sa doktor, wala namang seryosong nangyari. Pinasuri na rin ni Sir Hendrix ang buong katawan mo at nalaman nilang may bahagyang concussion ka lang. Wala ring sinabi ang doktor tungkol sa amnesia. Sigurado ka bang wala ka talagang maalala?"
Pinagmasdan naman siya ni Aling Susan nang mabuti. Halatang nagdududa ito at tila hirap paniwalaan ang sinasabi niya.
"Kailan ako nagpakasal kay Mr. Leviste?" maingat na tanong ni Felicity habang hindi komportableng nakaupo sa sofa.
Pakiramdam niya ay isa siyang estranghero sa bahay na iyon. Wala siyang anumang alaala tungkol kay Hendrix o sa anak nilang dalawa.
Lalong kumunot ang noo ni aling Susan. "Limang taon na ang nakalipas noong ikinasal kayo ni Sir Hendrix. At apat na taong gulang na si Freya ngayon."
Natigilan si Felicity.
Imposible...
Sa pagkakaalam niya, ngayon dapat ang araw ng kasal nina Hendrix at ng stepsister niyang si Elise. Kaya paano nangyari na limang taon na silang mag-asawa?
Maya-maya'y narinig niya ang mabibigat na yabag mula sa hagdan. Pababa si Hendrix, nakasuot ito ng malinis na puting polo, habang nakasabit sa isang braso ang itim nitong coat. Kumpara sa lalaking naaalala niya limang taon na ang nakararaan, mas naging mature ang mukha nito. Mas seryoso. Mas tahimik. At taglay na nito ang awtoridad ng isang lalaking matagal nang nasa tuktok.
Gaya ng dati, dumaan lang ito sa kanyang harapan na para bang wala siyang nakita. Ni hindi man lang siya sinulyapan, kahit kilala noon si Felicity bilang isa sa pinakamagagandang dalaga sa mga kilalang pamilya sa Davao.
"Brother-in-law..." mahina niyang tawag.
Bahagyang huminto si Hendrix.
Hindi ito lumingon nang buo. Kaunti lamang nitong inihilig ang ulo, sapat para ipakitang narinig siya nito.
Napatingin si Aling Susan kay Hendrix. Nang makita niyang dumilim ang ekspresyon nito, agad siyang natahimik at hindi na nangahas magsalita.
Nagpatuloy lamang si Hendrix sa paglalakad patungo sa dining room.
"Asawa ko?" muli niyang pagsubok.
Hindi napigilan ni Aling Susan ang mapatawa. Agad nitong tinakpan ang sariling bibig, ngunit huli na.
Lalong tumigas ang ekspresyon ni Hendrix.
Napakurap-kurap naman si Felicity. Sinusubukan lang naman niyang alamin kung ano ba talaga ang dapat niyang itawag dito.
Nagalit ito nang tawagin niya itong brother-in-law, ngunit tila mas lalo pa itong nainis nang tawagin niya itong asawa.
Lalong tumigas ang panga ni Hendrix. Hindi na ito tumingin kay Felicity. Sa halip, dumiretso ang malamig nitong tingin kay Aling Susan.
Agad na napatayo nang tuwid ang katulong.
"Ipaliwanag mo ulit sa kanya ang mga patakaran." Pagkasabi niyon, tuluyan nang lumabas si Hendrix nang hindi man lang nag-almusal.
Napakagat si Felicity sa kanyang ibabang labi.
Anong patakaran? Dahil wala siyang kahit kaunting ideya kung ano ang tinutukoy nito.
Napabuntong-hininga si Aling Susan bago umakyat sa ikalawang palapag.
Pagbalik nito makalipas ang ilang minuto, may dala na itong maliit na kahon. "Miss Felicity," mahina nitong sabi, "Pwede pa itong inumin sa loob ng pitumpu't dalawang oras. Inumin mo na."
Napatingin si Felicity sa kahon. Unti-unting namula ang kanyang mukha. Biglang bumalik sa isip niya ang nangyari kagabi.
Bago patulugin si Freya, halos hindi siya pinagbigyan ni Hendrix sa kama. Paulit-ulit nitong inangkin siya hanggang sa halos wala na siyang natirang lakas.
Iyon ang unang alaalang bumungad sa kanya pagmulat ng kanyang mga mata kaninang umaga. Nang mabasa niya ang nakasulat sa kahon, saka niya napagtanto na birth control pills pala iyon.
Hindi na siya nag-atubili. Agad niyang inilagay ang tableta sa bibig at nilunok.
Bahagya pang nagulat si Aling Susan. Karaniwan, tuwing pinainom siya ng gamot na iyon ay lagi siyang nagdadalawang-isip at halatang ayaw niya.
Ngunit ngayon...
Hindi man lang siya nagreklamo.
Matapos tingnan ang oras, napansin ni Aling Susan na naroon pa rin si Felicity.
"Miss, ihatid n'yo na po si Freya sa paaralan."
Hindi pa rin sanay si Felicity sa ideyang mayroon siyang anak.
Maya-maya'y bumaba si Freya mula sa hagdan. Nakasuot ito ng malinis na school uniform at may maliit na backpack sa likod. Masaya itong lumapit at agad hinawakan ang kanyang kamay.
Napangiti si Felicity habang nakatingin sa bata. May banayad itong amoy ng gatas at baby powder.
Napakaliit.
Napaka-cute.
"Freya Leviste?" maingat niyang tanong.
Huminto si Freya sa paglalakad bago seryosong umiling. "Mali po, Mommy."
"Freya Abella po ang pangalan ko.Ikaw po mismo ang nagpangalan sa akin."
Kumunot ang noo ni Felicity. Ang anak nila ni Hendrix ay hindi gumagamit ng apelyido ng ama nito, kundi ang apelyido niya?
Bago pa man siya makapag-isip pa, bumusina na ang sasakyan sa labas.
Naroon na ang driver.Masayang sumakay si Freya sa likurang upuan at naupo sa tabi niya.
Pagdating sa paaralan, masiglang kumaway ang bata. "Goodbye, Mommy! Mwah!"
Nagpadala pa ito ng flying kiss bago tumakbo papasok sa gate kasama ang guro.
Naiwang nakatulala si Felicity habang pinagmamasdan ang papalayong likod ng bata. Nang tuluyan na itong mawala sa kanyang paningin, saka lamang siya natauhan. Nag-iisa na pala siya sa sasakyan.
Tatawagin pa lang sana niya ang driver upang bumalik nang biglang tumunog ang kanyang cellphone.
Manager Ramos ang nakalagay sa screen.
Nag-alinlangan siyang sagutin ang tawag, ngunit pinindot pa rin niya ang answer button.
Pagsagot na pagkasagot niya, isang malakas na boses ang sumambulat mula sa kabilang linya.
"Secretary Abella! Nasaan ka na ba? Magsisimula na ang morning meeting! Nasa opisina na si President Leviste at ikaw na lang ang wala!"
Natigilan si Felicity.
Siya ba ang tinutukoy nito?
May trabaho siya?
At... secretary siya?
Pero sandali...
Saan ba siya nagtatrabaho?
Nang huminto sa pagsigaw si Manager Ramos, agad niyang sinamantala ang pagkakataon.
"Inihatid ko lang ang anak ko sa paaralan. Manager Ramos, first time ko pong bumiyahe papunta riyan. Pwede n'yo po bang sabihin kung saan ako dapat bumaba?"
Sandaling tumahimik ang lalaki. Pagkaraan ng ilang segundo, saka ito tumawa nang mapanukso. "Route 16. Bumaba ka sa Leviste Group." Huminto ito sandali bago muling nagsalita. "Aba, hindi ba't araw-araw kang nagba-bus papasok? Mukhang mayaman na pala ang pamilya mo ngayon."
Lalong nalito si Felicity. Hindi niya maintindihan kung bakit tila may galit sa kanya ang manager.
Eksaktong 8:18 A.M. nang makapag-time in siya.
Alas-otso y medya pa magsisimula ang meeting, kaya nakahinga siya nang maluwag. Dalawang minuto pa lang ang natitira bago magsimula ang trabaho.
Pagdating niya sa executive floor sa ika-88 na palapag, bahagya siyang natigilan sa lawak at karangyaan ng buong opisina.
Magalang siyang binati ng receptionist.
"Good morning, Secretary Abella."
Nagkunwari siyang may hinahanap na impormasyon. "Pwede bang makahingi ng directory ng building? May client kasi akong baka maligaw."
Habang kaswal na nakipagkuwentuhan sa receptionist, palihim siyang nangalap ng impormasyon tungkol sa sarili niyang trabaho.
Doon niya nalaman na ang desk niya ay nasa executive floor mismo. Ngunit kahit anong pilit niyang alalahanin...
Wala pa rin.
Pakiramdam niya ay isa siyang estranghera sa sarili niyang buhay.
Ang tanging malinaw sa kanyang alaala ay ang araw bago ang kasal nina Hendrix at ng stepsister niyang si Elise.
"Secretary Abella! Bilisan mo!"
May biglang humila sa kanyang braso at halos itulak siya papasok sa conference room.
Dahil sa pagmamadali, muntik pa siyang matisod.
Pag-angat niya ng tingin, agad niyang nakita ang lalaking nakaupo sa pinakadulo ng mahabang conference table.
Si Hendrix.
Tahimik itong nakaupo sa pangunahing upuan, taglay ang likas nitong awtoridad.
Sa magkabilang panig nito ay nakaupo ang mga executive at board directors ng kumpanya.
Sa isang iglap…Tuluyang nablangko ang isip ni Felicity.
Anong klaseng biro ng tadhana ito?
Asawa niya si Hendrix. Ngunit bakit siya nagtatrabaho bilang personal secretary nito? At base sa kilos ng lahat ng tao sa silid...
Mukhang walang nakakaalam na mag-asawa sila.
"Magsisimula na ang meeting." Malamig ang boses ni Hendrix.
Diretso lamang ang tingin nito sa harapan, ni hindi man lang siya sinulyapan.
Napakatahimik ng conference room. Halos marinig ang pagbagsak ng karayom.
Tanging ang mababa at makapangyarihang boses lamang ni Hendrix ang umalingawngaw sa buong silid.
"Secretary Abella." Tumigil ito sandali. "Agenda."
Napakurap naman si Felicity. Tahimik niyang pinagmasdan ang lalaki. Katulad pa rin ito ng dati.
Malamig.
Suplado.
At tila napakalayo ng pagitan nila.
Kung alam lang niyang secretary pala siya ng sarili niyang asawa...Hindi na sana siya pumasok ngayong araw.
"Secretary Abella..." Mahinang siniko siya ng katabi. "Ikaw ang tinatawag ng CEO."